
Ang kaarawan ni Gregoria de Jesus ay laging pagkakataong magnilay-nilay. Ang paraan kung paano naaalala si Lakambini ay salamin din kung paano natin tinuturing ang kababaihan. Dapat dinadakila si Oriang bilang rebolusyonaryong may sariling tindig, na may dangal at gumagamit ng dunong at tapang sa harap ng pananakot, kasakiman, at kalaswaan ng dayuhang kaaway at mga duwag na kababayan. Katuwang, kaibigan, at kadamay man ng mga mahal niya sa buhay tulad ni Andres Bonifacio at Julio Nakpil, babae siyang handang mamuhay ng nagsasarili, na may pananagutan sa kanyang sarili at sa kanyang bayan.

